Wednesday, June 19, 2013

Ang Panalangin Ko

Sa tuwing nararamdaman ko na naninikip ang dibdib ko, naaalala ko kayo. Ang panalangin ko, sana ay bigyan pa ako ng Panginoon ng mahabang buhay. Gusto ko pang makita ang aking mga apo. 

Pero hindi natin alam kung ano ang kalooban ng Panginoon. Anuman ang mangyari, lagi niyong tatandaan na ang pinakamahalaga sa buhay ay ang relasyon niyo sa Panginoon. Makikilala niyo Siya sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Biblia. At anuman ang inyong naunawaan sa pagbabasa ng Biblia, gawin niyo itong panalangin. Nais ng Panginoon na magkakasama tayo hindi lang dito sa lupa kundi maging sa langit. 

Wednesday, May 1, 2013

Ang Paglipad ng Agila


Magandang umaga mga anak! Gusto kong i-share sa inyo ang kuwento tungkol sa agila at sa paglipad nito. Nakakita na ba kayo ng agila na biglang sumisid mula sa langit papunta sa tubig at nakahuli ng isda? Ang sabi nila masyado daw matalas ang mata ng agila at nakikita nito maging ang isda na lumalangoy sa tubig kahit napakalayo niya. Kung ganon, daig niya pa ang mga mangingisda sa talas ng paningin. Sabi ng isang pag-aaral, ang mata raw ng agila ay apat na ulit na higit na matalas kaysa sa mata ng isang tao na malinaw pa ang paningin. Nakakahanga di ba? 

Isa pang katangian ng agila ay ang kakayanan nito na makita agad ang papadating na bagyo at lilipad siya ng napakataas at hihintayin niya na dumating ang hangin. Pag nagsimula ang bagyo, iniuunat niya ang kaniyang mga pakpak para tangayin ng hangin hanggang sa siya ay pumailanlang ng mas mataas pa kaysa bagyo. Nakakabilib di ba? Isipin niyo, habang galit na galit ang bagyo ang agila ay pumapailanlang sa himpapawid. Hindi niya tinatakasan ang bagyo. Ginagamit niya ang bagyo upang siya ay tangayin paitaas. Ganiyan dapat ang pagharap sa mga "bagyo" at pagsubok sa buhay. Ito ay hindi tinatakasan. Kahit mga bata pa kayo, pag natutunan niyo ang aral na to, magiging matibay kayo kahit ano pang bagyo ang dumating sa buhay niyo.



Gusto niyo bang maging kagaya ng isang agila? Gusto niyo bang pumailanlang tulad ng isang agila? Basahin ninyo ang Isaias 40: 27-31 at matutunan ninyo ang tatlong mga paraan upang makalipad kagaya ng agila:

  • Tigilan ang pagrereklamo

  • Bigyan ng prioridad ang pagkilala sa Diyos

  • Umasa ng lakas tanging sa Kaniya lamang

Tigilan ang Pagrereklamo

Pag maliit ang baon at hindi makalaro ng DOTA, huwag sasama ang loob. Huwag puro angal. Matutong magpasalamat.

Pag inutusan ni mama, o ng lolo at lola, huwag bubulong-bulong. Matutong sumunod ng masaya. 

Kung may mga bagay na gusto niyo, subalit hindi masunod at hindi nangyayari, huwag magagalit at magreklamo. Huwag niyong sasabihin, "Lagi na lang ganito, dapat iba naman." "Lagi na lang ganito ang ulam namin. Sana iba naman." "Mali naman sila e. Ako ang tama."

Ang bansang Israel ay nagreklamo din. Ang sabi niya, "Hindi alam ng Panginoon ang pinagdadaanan ko; binalewala ng Panginoon ang aking ipinaglalaban". Sa ibang salita, parang ganito yan e: "Hindi ako mahal ng Panginoon. Hindi Niya naman sinasagot ang panalangin ko e. Siguro may ginawa akong malaking kasalanan kaya ayaw Niya akong pakinggan. Hindi ako karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal."

Nasasabi niyo ba ang ganitong mga bagay sa sarili niyo? Kung nasasabi niyo ito, tigilan niyo na. Ang totoo, mahal kayo ng Panginoon ng higit pa sa pagkakaalam ninyo. Ipinakita ng Diyos ang Kaniyang pagmamahal sa inyo ng mamatay ang Kaniyang Anak doon sa  bundok ng Kalbaryo para bayaran ang inyong mga kasalanan. 

Unahin ang Pagkilala sa Diyos

Pag puro reklamo ang sinasabi ninyo, yan ay palatandaan na nakakalimutan niyo na ang Diyos. Nakakalimutan na ninyo ang inyong mga pinag-aralan sa Sunday School. Nakakalimutan na ninyo ang mga pinag-aaralan natin sa Bible. 

Maraming mga tao ngayon hindi na naniniwala na merong Diyos. Dahil sa dami ng problema ng mundo at kaguluhan, hindi sila naniniwala na totoong may Diyos nga. At yan ang pinakamalaking krisis sa panahon natin ngayon. Maraming mga tao ay walang tamang pagkakilala sa Diyos. At hindi nangangahulugan na porke mga anak kayo ng pastor ay exempted na kayo diyan. 

Maraming mga tao ngayon ang akala nila ang Diyos ni Abraham, Isaac at Jacob ay parehong diyos din ng mga Hindu at ibang mga relihiyon. Ang tamang pagkakilala sa Diyos sa ating panahon ay bihira. 

Ang mga taong kayang lumipad tulad ng agila ay may kakaibang pananaw sa buhay. Nakikita nila na mas malaki ang Diyos kaysa sa kanilang mga problema at sa suliranin ng mundo. Kung ikukumpara sa ating sarili, totoo na mas malaki ang ating problema. Pero kung ikukumpara sa Diyos, wala ng higit pang lalaki sa Diyos at walang imposible sa Kaniya. Kaya unahin niyo na kilalanin ang Diyos kaysa sa anupamang bagay. 

Unahin niyo ang pagkilala sa Diyos kaysa sa paglalaro ng DOTA. Unahin niyo ang pagkilala sa Diyos kaysa sa mga girlfriends. Ibig sabihin, patuloy niyong basahin at pag-aralan ang Bible at lagi kayong manalangin.

Umasa ng Lakas Tanging sa Diyos Lamang

Sino ba ang nagpapalakas ng inyong loob? Si mama niyo? Ako ba? Paano kung wala na ako, kanino kayo kukuha ng lakas ng loob? 

Ang lakas na galing sa Diyos ay hindi pangkaraniwan. May mga tao na parang kung titingnan sila parang ang lalakas nila. Ang mga atleta ay napapagod din. Ang mga mananakbo ay nakakaranas din ng pagkahapo. Subalit ang lakas na galing sa Diyos ay kakaiba. Ito ay hindi nakakaranas ng kapaguran. 

Ang lakas na ito ay regalo galing sa Diyos. Ito ay hindi galing sa atin. Hindi tayo karapat-dapat sa lakas na ito. Ang tanging kailangan para maranasan ang lakas na ito ay ang magpakumbaba sa harapan ng Diyos at kilalanin na sa ating sarili tayo ay mahina. 

Ang pride o ang kayabangan ang pinakamalaking hadlang para maranasan ang lakas na galing sa Diyos. Hanggat tayo ay nagtitiwala sa ating sarili, hindi natin mararanasan ang lakas na ito. Subalit kung kayo ay buong pusong aasa tanging sa Diyos lamang, ang kalakasan ng Diyos ay mararanasan ninyo. 

Gusto niyo bang maranasan ang kalakasan na nagbubuhat sa Diyos? Gusto niyo bang lumipad tulad ng isang agila? Tigilan ang pagrereklamo, unahin ang pagkilala sa Diyos at umasa ng lakas tanging sa Kaniya lamang. 




Saturday, April 27, 2013

Background of this Blog

Simula ng July 2012, pinasimulan ko ang isang pag-aaral na may kinalaman sa ekonomiya at politika. Ito marahil ay bunsod ng aking pagnanais na ibaling ang aking galit sa konstruktibong pamamaraan. 

Galit ako sa dahilang ang desisyon ko na pagtuunan ng pansin na maiangat ang kabuhayan ng aking pamilya ay nauwi sa isang malaking kapahamakan. Bunga ito ng aking kamangmangan. Wala naman akong maaaring sisihin dahil hindi naman ito naituro sa akin.

Ang kawalan ko ng kaalaman sa financial education ay naging dahilan upang ako ay tumanggap ng maraming responsibilidad upang higit pang madagdagan ang salaping aking kinikita na pansuporta sa pamilya. Bunga nito, hindi naging balanse ang buhay ko. 

Paglipas pa ng ilang mga taon, natutunan ko ang ukol sa Austrian school of economics at libertarian political economy. Nawalan ako ng gana na ipagpatuloy ang pagsusulat bunga ng dalawang ulit kong karanasan na mawala sa web ang blog na ginawa ko. Nitong huli, ang mga sinulat ko mula mga buwan ng Febrero hanggang Abril ay nawalang lahat. Mahigit kumulang marahil sa 30 mga artikulo ang naglahong parang bula. 

Dagdag pa rito, sa loob ng pitong buwan kong pananatili dito sa South Korea, dalawang ulit akong nakaranas ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga. Nararamdaman ko na ang aking lakas ay hindi na kagaya ng dati. Malapit ko nang marating ang dapit-hapon ng aking buhay. Nananalangin pa rin ako na sa kabila ng kawalan ng katiyakan ng buhay, manawari ay bigyan pa ako ng karagdagang 24 na mga taon. Gusto ko pang makita ang anak ng aking mga anak.

Sa pagkatok ng kaisipan ng kamatayan, itinanong ko sa aking sarili, ano ang nais kong maiwang alaala para sa aking mga anak, mga mahal sa buhay at mga kakilala? Tama bang unahin ko ang pag-aaral ng ekonomiya at ipagpaliban ang pagtuturo sa aking mga anak sa daan ng Panginoon? Itinanong ko rin sa aking sarili kung ano ang higit na mahalaga at magpapasaya sa akin.  

Kagabi, ako ay nanalangin na ipakita ng Panginoon sa akin ang mga bagay na dapat kong gawin. Aking napagtantao na hindi ko na dapat pang ipagpaliban ang pagtuturo sa aking mga anak. Ang panalangin ko lang, sana ay hindi pa nga huli ang lahat. 

Kapahingahan kay Jesus


Ang mga batang tulad niyo ay parang hindi marunong mapagod. Masaya kayong maglaro. Hindi niyo napapansin na lumilipas ang maghapon. Magpapahinga lang kayo pag nakaramdam ng gutom o pagod.

Maraming mga tao ay pagod na sa buhay sa maraming mga dahilan. Pagod nang magtrabaho, pagod sa dami ng problema, pagod sa pag-aaral o pagod sa kabiguan sa buhay ay ilan lang sa mga halimbawa nito.

Sa Mateo 11:28-30, mababasa natin ang tungkol sa lunas sa pagod sa buhay. Ito ay masusumpungan sa pamamagitan ng kapahingahan kay Jesus.  

Kumusta na ba kayo mga anak? Kumusta ka na kuya Arcel? Kumusta ang inyong pag-aaral? Napapagod na ba kayong mag-aral? Masaya ba kayo? 

Dapat lang na mag-aral kayo ng mabuti. Higit sa lahat, dapat ninyong pag-aralan ang Biblia. Humihingi ako ng paumanhin at hindi ko kayo naturuan ng tuloy-tuloy. Masyado akong naging abala sa aking trabaho at pag-aaral. Nakaligtaan ko kayong turuan ng masinsinan sa Salita ng Diyos. 

Ang panalangin ko na sa inyong paglaki kayo ay patuloy na lumakad sa daan ng Panginoon kahit wala na ako. Of course, gusto kong makita pa rin kayo na magkaroon ng inyong sari-sariling pamilya. Kaya lang, sa nararamdaman ko sa ngayon, parang pakiramdam ko, unti-unti na akong humihina. Matanda na ako.

Tatandaan niyo lang mga anak, kahit anong pagsubok sa buhay ang dumating sa inyo, laging naririyan ang Panginoon na handang umagapay sa inyo. Siya ang tawagan ninyo. Hindi Niya kayo bibiguin kung taus-puso niyo Siyang hahanapin. 

Nais ng Diyos na maging masaya at maginhawa ang inyong buhay. Nais ni Jesus na maranasan niyo ang kapahingahan sa Kaniya.  

Paano ba mararanasan ang kapahingahan kay Jesus? Ano ba ang ibig sabihin ng kapahingahan kay Jesus?

Paglapit

Una, ang kapahingahan kay Jesus ay mararanasan sa pamamagitan ng simpleng paglapit sa Kaniya. At makakalapit lamang sa kaniya ay ang mga taong may pananampalataya sa Diyos. At ang isang tao ay magkakaroon lamang ng pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig ng Kaniyang Salita. Matutunan ninyo sa Salita ng Diyos na walang kabuluhan ang magtiwala sa sariling kakayanan na nagiging dahilan ng kayabangan at paglayo sa Kaniya. 

Huwag lamang puro sarili niyo ang iniisip niyo. Matuto rin kayong pahalagahan ang iniisip at damdamin ng nanay niyo, ng kapatid niyo, ng ibang tao. Huwag puro sarili. Hindi nais ng Diyos na kayo ay maging makasarili. Nakakapagod ang mamuhay na makasarili. Ang mamuhay sa piling at para ka y Jesus ay papawi sa inyong kapaguran.  

Ang tao ay napapagod bunga ng kanilang pagtanggi na lumapit kay Jesus at sa halip ay gumagawa sila ng mga bagay-bagay na makakaaliw sa kanila. Ito ay maaaring laruan, kasintahan, asawa, anak o ambisyon. Ang mga ito ang ginagawang "mga diyos" ng maraming mga tao. Ang resulta ay kapaguran.  

Huwag sana maging huli ang lahat na bago kayo tuluyang lumapit sa Diyos ay masira pa ang buhay niyo. Madalas kasi inaakala nating mga tao, mas alam natin patakbuhin ang ating buhay. Wala tayong tiwala sa Diyos. Sinasabi ng ating labi na tayo ay may tiwala sa Diyos subalit baliktad ang ating ginagawa. Mabuti na lamang ang Diyos ay punum-puno ng biyaya at ang Kaniyang Espiritu ay patuloy na kumikilos sa ating buhay. At bunga nito, sa paglipas ng panahon, makikinig rin tayo at makikita natin ang kamalian ng landas na ating pinili. Sana nga lang ay huwag maging huli ang lahat bago ma-realize ang lahat ng ito. 

Ang wika ni Jesus sa Juan 6:35, "Ako ang Tinapay ng Buhay. Ang sinomang lumalapit sa Akin ay hindi na muling magugutom at sinumang nananalig sa akin ay hindi na muling mauuhaw."

Paglilingkod

Ikalawa, ang kapahingahan kay Jesus ay hindi nangangahulugan na wala na kayong gagawin. May binabanggit si Jesus na "pamatok" na dapat kunin sa paglapit sa Kaniya. Sinabi Niya na magaan ang Kaniyang pamatok at madaling buhatin ang pasanin na Kaniyang ibibigay. 

Sa Biblia, ang pamatok ay isang kahoy na inilalagay sa likod ng kalabaw o baka upang magpasan ng mga mabibigat na bagay o sakahin ang bukid. Pinagagaan ng pamatok ang isang mabigat na gawain o pasanin. 

Ang pamatok din ay ginagamit na simbolo ng pang-aalipin, paninikil at pagsupil. Nakakabit dito ang ideya ng mabigat na pasanin. 

Ang pamatok na gawa ng tao ay mahirap pasanin, masyadong mabigat at nakakapagod. Ang mga regulasyon na gawa ng tao at mga pressures sa ekonomiya at sa lipunan ay mga pasaning mahirap buhatin. Kaya maraming tao ngayon ay pagod at nangangailangan ng kapahingahan kay Jesus. 

Kakaiba ang pamatok ni Jesus. Sa halip na ikaw ay mapagod, ikaw ay makakasumpong ng kapahingahan. Ang pagkuha ng pamatok ni Jesus ay nangangahulugan na ikaw ay handa na sumunod sa Kaniya. Kailangan dito ang commitment. Kailangan ang commitment sa pagsunod at paglilingkod sa Kaniya. 

Pag-aaral

Sabi ni Jesus, "Mag-aral kayo sa akin." Kadalasan, nakakabit sa pag-aaral ang hirap. Subalit iba ang klase ng pag-aaral na iniaalok ni Jesus.

Isang balita ang lumabas mula sa NBC nang Agosto 23, 2007 tungkol sa pinagmumulan ng stress ng mga kabataan, edad 13 hanggang 24. Sa mga edad 18 hanggang 24, trabaho at pera ang pinanggalingan ng kanilang stress. Sa mga mga edad 13 hanggang 17, pag-aaral ang pinagmumulan ng kanilang stress.

Ang paanyaya ni Jesus na mag-aral ay ibang klase. Ito ay pag-aaral na panghabang-buhay. Ibig sabihin, habang tayo ay nasa buhay na ito, patuloy na kinakailangan nating matuto ng Salita ng Diyos. Huwag nating iisipin na alam na natin ang lahat. Kinakailangan tayong lumago sa pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Banal na Kasulatan. 

Marami din tayong matutunan kay Jesus mula sa ating mga karanasan sa buhay kasama na ang mga pagsubok at mga mabibigat na suliranin. Sa gitna ng pagsubok, dapat nating isipin na nais ng Diyos na tayo ay maging kagaya ng Kaniyang Anak. Kaya dapat tayong magpasalamat sa mga pagsubok sa buhay. 

Pagtatapos

Ang kapahingahan kay Jesus ay mararanasan sa pamamagitan ng simpleng paglapit sa Kaniya na may pananampalataya. Ito rin ay nangangailangan ng taus-pusong paglilingkod at patuloy na pag-aaral. Makakasumpong kayo ng kapahingahan sa gitna ng nakakapagod na mundo sa pamamagitan ng paglapit sa Kaniya, pagpasan ng Kaniyang pamatok at pag-aaral sa Kaniya. Ang ganitong uri ng kapahingahan ay hindi niyo masusumpungan sa mundong ito. 

Friday, April 26, 2013

My Sons' Names

Ang artikulong ito ay patungkol sa maikling kuwento kung bakit Arcel, Ashriel at Abbey ang napili kong ipangalan sa tatlo kong mga anak na lalake. Bawat isa sa kanila ay nagpapaalala sa akin ng isang mahalagang yugto ng aking buhay at nagtuturo ng isang mahalagang aral. Dalangin ko lamang na sana ang mga aral na ito ay maging totoo hindi lamang sa aking buhay, kundi sa buhay din nila, sa buhay ng kanilang ina, at sa buhay ng maraming mga mananampalataya.


Arcel


Arcel ang pangalan ng panganay ko. Hinango ko ang kaniyang pangalan sa Strong's Bible Concordance. Of course, walang "Arcel" doon kundi "Archel". Mahirap banggitin ang "Archel" so I removed yong "h". 

Ang kahulugan ng "Archel" ay "God is supreme" or "God is first". Tamang-tama, dahil siya ang panganay kong anak. Dapat na mauna ang Diyos sa buhay niya at sa buhay namin. 

Napili ko ang "Archel" bunga ng aking paghahanap ng pangalan na kombinasyon ng aking pangalan at ng pangalan ng aking kabiyak. Arlene ang kaniyang pangalan; Ruel naman ang sa akin. Pinili ko lamang ang unang dalawang letra sa kaniyang pangalan "AR" at sa akin naman ay "EL". Ang "C" ay idinagdag ko na lang para madaling bigkasin.

Ashriel

Ashriel naman ang pangalan ng ikalawa kong anak. Siya ang pangalawang "Ashriel". Ang unang anak namin na "Ashriel" ang pangalan ay namatay ng tatlong buwan pa lamang. Masakit ang alaalang yon. Masakit mawalan ng anak. Naalaala ko pa na pagkatapos naming mag-asawa umuwi galing sa libing at pagpasok ng bahay, bigla kaming nagkatinginan at bigla kaming sabay na umiyak, iyak na nauwi sa pagtaghoy. 

Hindi na maganda ang aking pakiramdam sa aming pagdadalamhati. Pinilit kong kumalma at unti-unti kong pinakalma rin ang aking asawa. Ang sabi ko, "Tama na."

Ang pinakamalungkot na bahagi pala ng isang namatayan ay ang pagkatapos ng libing. Kasi habang naglalamay, naroroon pa rin ang kaniyang katawan at nakikita mo siya. Nababawasan din ang iyong kalungkutan dahil ikaw ay abala sa pag-aasikaso sa mga bisita.

Muli naming ipinangalan ang "Ashriel" sa ikatlo naming anak upang huwag mawaglit sa aming alaala ang pangalawa naming anak. Nasasabik din akong makita siya sa kabilang buhay. Pero sa kasalukuyan, kailangan pa munang manatili ako rito para sa aking tatlong mga anak. 

Ang kahulugan ng "Ashriel" ay "God has filled with joy'. Mahirap maranasan ang tunay na kagalakan maliban na maranasan mo muna ang tunay na kahulugan ng pagdadalamhati. Sa gitna ng lumbay, doon mo higit na mapapahalagahan ang kagalakang nagbubuhat sa Kaniya. Ashriel, ikaw ay ibinigay nang Diyos sa amin na iyong mga magulang upang kami ay mapaalalahanan na ang tunay na kagalakan ay sa Diyos lamang nanggagaling.

Abbey

Abbey naman ang pangalan ng bunso naming anak. Nang panahon na siya ay pinagbubuntis pa lamang, ako ay abala kasama ng ibang mga pastor sa Payatas sa pakikilahok sa politikang pangbarangay. Tumakbo akong kagawad udyok ng aking mga kasama at para lamang mapunuan yong bilang na kinakailangan sa aming grupo. Wala sa loob ko ang mga ginagawa ko ng panahong yaon.

"Abbey" ang napili kong pangalan dahilan sa ang ikalawang kahulugan nito sa dictionary na aking tiningnan ay "community". "Monastery" ang unang kahulugan. Nagustuhan ko ang idea ng community. Para sa akin, si "Abbey" ay nagpapaalala na ang aking pananampalataya ay may kinalaman sa pampublikong buhay.

Pagtatapos

Yan po ang maikling kuwento kung bakit ganiyan ang pangalan ng aking mga anak. Dalangin ko na sila ay makakilala rin ng personal sa Diyos na lumalang ng lahat ng bagay at sa Diyos na nagsugo ng Kaniyang Anak para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Nawa ay maparangalan ang Diyos sa buhay ng aking mga anak. 

Spiritual Direction

Ang pagpili ba ng Diyos kay Abraham upang gabayan ang kaniyang mga anak at ang kaniyang sambahayan upang maingatan ang daan ng Panginoon (Genesis 18:18) ay para lamang sa kaniya at hindi sa mga amang Kristiyano sa kasalukuyan? Paano ito magagampanan ng mga Kristiyanong magulang na napilitang maghanapbuhay sa ibayong dagat bunga ng kawalan ng pang-ekonomiyang oprtunidad sa bansa? Sapat bang dahilan  na pabayaan ng isang ama ang kaniyang tungkulin ng espirituwal na paggabay matugunan lamang ang pangangailangan sa pagkain?