Ang mga batang tulad niyo ay parang hindi marunong mapagod. Masaya kayong maglaro. Hindi niyo napapansin na lumilipas ang maghapon. Magpapahinga lang kayo pag nakaramdam ng gutom o pagod.
Maraming mga tao ay pagod na sa buhay sa maraming mga dahilan. Pagod nang magtrabaho, pagod sa dami ng problema, pagod sa pag-aaral o pagod sa kabiguan sa buhay ay ilan lang sa mga halimbawa nito.
Sa Mateo 11:28-30, mababasa natin ang tungkol sa lunas sa pagod sa buhay. Ito ay masusumpungan sa pamamagitan ng kapahingahan kay Jesus.
Kumusta na ba kayo mga anak? Kumusta ka na kuya Arcel? Kumusta ang inyong pag-aaral? Napapagod na ba kayong mag-aral? Masaya ba kayo?
Dapat lang na mag-aral kayo ng mabuti. Higit sa lahat, dapat ninyong pag-aralan ang Biblia. Humihingi ako ng paumanhin at hindi ko kayo naturuan ng tuloy-tuloy. Masyado akong naging abala sa aking trabaho at pag-aaral. Nakaligtaan ko kayong turuan ng masinsinan sa Salita ng Diyos.
Ang panalangin ko na sa inyong paglaki kayo ay patuloy na lumakad sa daan ng Panginoon kahit wala na ako. Of course, gusto kong makita pa rin kayo na magkaroon ng inyong sari-sariling pamilya. Kaya lang, sa nararamdaman ko sa ngayon, parang pakiramdam ko, unti-unti na akong humihina. Matanda na ako.
Tatandaan niyo lang mga anak, kahit anong pagsubok sa buhay ang dumating sa inyo, laging naririyan ang Panginoon na handang umagapay sa inyo. Siya ang tawagan ninyo. Hindi Niya kayo bibiguin kung taus-puso niyo Siyang hahanapin.
Nais ng Diyos na maging masaya at maginhawa ang inyong buhay. Nais ni Jesus na maranasan niyo ang kapahingahan sa Kaniya.
Paano ba mararanasan ang kapahingahan kay Jesus? Ano ba ang ibig sabihin ng kapahingahan kay Jesus?
Paglapit
Una, ang kapahingahan kay Jesus ay mararanasan sa pamamagitan ng simpleng paglapit sa Kaniya. At makakalapit lamang sa kaniya ay ang mga taong may pananampalataya sa Diyos. At ang isang tao ay magkakaroon lamang ng pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig ng Kaniyang Salita. Matutunan ninyo sa Salita ng Diyos na walang kabuluhan ang magtiwala sa sariling kakayanan na nagiging dahilan ng kayabangan at paglayo sa Kaniya.
Huwag lamang puro sarili niyo ang iniisip niyo. Matuto rin kayong pahalagahan ang iniisip at damdamin ng nanay niyo, ng kapatid niyo, ng ibang tao. Huwag puro sarili. Hindi nais ng Diyos na kayo ay maging makasarili. Nakakapagod ang mamuhay na makasarili. Ang mamuhay sa piling at para ka y Jesus ay papawi sa inyong kapaguran.
Ang tao ay napapagod bunga ng kanilang pagtanggi na lumapit kay Jesus at sa halip ay gumagawa sila ng mga bagay-bagay na makakaaliw sa kanila. Ito ay maaaring laruan, kasintahan, asawa, anak o ambisyon. Ang mga ito ang ginagawang "mga diyos" ng maraming mga tao. Ang resulta ay kapaguran.
Huwag sana maging huli ang lahat na bago kayo tuluyang lumapit sa Diyos ay masira pa ang buhay niyo. Madalas kasi inaakala nating mga tao, mas alam natin patakbuhin ang ating buhay. Wala tayong tiwala sa Diyos. Sinasabi ng ating labi na tayo ay may tiwala sa Diyos subalit baliktad ang ating ginagawa. Mabuti na lamang ang Diyos ay punum-puno ng biyaya at ang Kaniyang Espiritu ay patuloy na kumikilos sa ating buhay. At bunga nito, sa paglipas ng panahon, makikinig rin tayo at makikita natin ang kamalian ng landas na ating pinili. Sana nga lang ay huwag maging huli ang lahat bago ma-realize ang lahat ng ito.
Ang wika ni Jesus sa Juan 6:35, "Ako ang Tinapay ng Buhay. Ang sinomang lumalapit sa Akin ay hindi na muling magugutom at sinumang nananalig sa akin ay hindi na muling mauuhaw."
Paglilingkod
Ikalawa, ang kapahingahan kay Jesus ay hindi nangangahulugan na wala na kayong gagawin. May binabanggit si Jesus na "pamatok" na dapat kunin sa paglapit sa Kaniya. Sinabi Niya na magaan ang Kaniyang pamatok at madaling buhatin ang pasanin na Kaniyang ibibigay.
Sa Biblia, ang pamatok ay isang kahoy na inilalagay sa likod ng kalabaw o baka upang magpasan ng mga mabibigat na bagay o sakahin ang bukid. Pinagagaan ng pamatok ang isang mabigat na gawain o pasanin.
Ang pamatok din ay ginagamit na simbolo ng pang-aalipin, paninikil at pagsupil. Nakakabit dito ang ideya ng mabigat na pasanin.
Ang pamatok na gawa ng tao ay mahirap pasanin, masyadong mabigat at nakakapagod. Ang mga regulasyon na gawa ng tao at mga pressures sa ekonomiya at sa lipunan ay mga pasaning mahirap buhatin. Kaya maraming tao ngayon ay pagod at nangangailangan ng kapahingahan kay Jesus.
Kakaiba ang pamatok ni Jesus. Sa halip na ikaw ay mapagod, ikaw ay makakasumpong ng kapahingahan. Ang pagkuha ng pamatok ni Jesus ay nangangahulugan na ikaw ay handa na sumunod sa Kaniya. Kailangan dito ang commitment. Kailangan ang commitment sa pagsunod at paglilingkod sa Kaniya.
Pag-aaral
Sabi ni Jesus, "Mag-aral kayo sa akin." Kadalasan, nakakabit sa pag-aaral ang hirap. Subalit iba ang klase ng pag-aaral na iniaalok ni Jesus.
Isang balita ang lumabas mula sa NBC nang Agosto 23, 2007 tungkol sa pinagmumulan ng stress ng mga kabataan, edad 13 hanggang 24. Sa mga edad 18 hanggang 24, trabaho at pera ang pinanggalingan ng kanilang stress. Sa mga mga edad 13 hanggang 17, pag-aaral ang pinagmumulan ng kanilang stress.
Ang paanyaya ni Jesus na mag-aral ay ibang klase. Ito ay pag-aaral na panghabang-buhay. Ibig sabihin, habang tayo ay nasa buhay na ito, patuloy na kinakailangan nating matuto ng Salita ng Diyos. Huwag nating iisipin na alam na natin ang lahat. Kinakailangan tayong lumago sa pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Banal na Kasulatan.
Marami din tayong matutunan kay Jesus mula sa ating mga karanasan sa buhay kasama na ang mga pagsubok at mga mabibigat na suliranin. Sa gitna ng pagsubok, dapat nating isipin na nais ng Diyos na tayo ay maging kagaya ng Kaniyang Anak. Kaya dapat tayong magpasalamat sa mga pagsubok sa buhay.
Pagtatapos
Ang kapahingahan kay Jesus ay mararanasan sa pamamagitan ng simpleng paglapit sa Kaniya na may pananampalataya. Ito rin ay nangangailangan ng taus-pusong paglilingkod at patuloy na pag-aaral. Makakasumpong kayo ng kapahingahan sa gitna ng nakakapagod na mundo sa pamamagitan ng paglapit sa Kaniya, pagpasan ng Kaniyang pamatok at pag-aaral sa Kaniya. Ang ganitong uri ng kapahingahan ay hindi niyo masusumpungan sa mundong ito.