Isang simbahan ang nahati dahilan sa pag-inom ng kape. Ito ay naikuwento lang naman sa akin ilang taon na ang nakakalipas. Maaaring mali ang aking mga detalye. Ito lamang ang aking naalala:
Tuwing matatapos ang pagsamba, nakagawian ng simbahang ito ang magkape. Ang simbahang ito ay binubuo ng mga nakakaangat sa buhay at mga mahihirap. Nagsimula ang pagtutol sa pag-inom ng kape ng mga mahihirap sa isang maybahay ng opisyales ng simbahan. Lumaki ang usaping ito hanggang ang kape ay maging simbolo ng pagkakahati ng mga mahihirap at ng mga nakakaangat sa buhay.
Ang pastor ay pumanig sa mga mahihirap. Samantalang ang "higher court" ay pumanig sa mga mayayaman. Nahati ang simbahan sa bandang huli. Ang wika ng pastor: "Ang mga mahihirap kung magbigay sa Diyos nagbibigay. Samantalang ang mga mayayaman ay hindi tuluyang bumibitaw ang kanilang mga kamay sa kanilang mga kaloob at sila ang nagpapasiya kung saan dapat mapunta ang kanilang ipinagkaloob."
Marahil ay hindi eksakto ang kuwento ng pastor at ang kaniyang pagsasalarawan sa mga nakakaangat sa buhay. Siguro naman hindi lahat ng mga mayayaman ay katulad ng kaniyang naging karanasan.
Ang ganitong klase ng mga kuwento ay nagpapatunay lamang na hindi perpekto ang mga tagasunod ng Kristiyanismo. Marami ring kuwento sa Bagong Tipan ang nagpapatunay sa batik ng mga tumanggap ng ebanghelyo ni Kristo. Subalit hindi maaaring pasubalian ng ganitong mga kuwento ang katotohanan na ang ebanghelyo ay nagdulot din ng pagbabago sa buhay ng marami.
Isang kuwento sa Bagong Tipan na may pagkakatulad at pagkakaiba sa simbahang ating nabanggit. Ang kuwentong ito ay mababasa sa Gawa 6:1-7.
Ang mga mananampalataya noong unang siglo ay kumaharap sa isang suliranin bunga ng pagdami ng kanilang bilang. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang grupo ng mga Hudyo na may kinalaman sa pagbibigay ng pagkain sa mga balo. Ang dalawang grupong ito ay ang mga Griegong Hudyo at mga Hebreong Hudyo.
Sa ating panahon, marahil ang katumbas nito ay ang kaibahan ng mga "purong" Filipino (Hindi malinaw sa akin ang ibig sabihin nito at kung mayrron ba talagang purong Filipino sa kasalukuyan) sa mga Filipinong may dugo at diwang banyaga na kung saan ang kanilang pananalita at mga gawi ay kakaiba sa karamihan ng mga mamamayan.
Marahil ang hindi pagkakaunawaan ukol sa pagkakaloob ng pagkain sa mga balo ng mga Griegong Hudyo ay simbolo lamang ng mas malalim na hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang grupo ng mga Hudyo. Makikita natin dito na kahit noong unang panahon, naroroon na ang mga suliranin na may kinalaman sa pagkain at sa antas ng dugo at pananaw. Ito ay naganap sa panahon na itinuturing ng marami na "ideal stage" ng Kristiyanismo.
Isang malinaw na kaibahan sa dalawang kuwento ay hindi nauwi sa tuluyang paghihiwalay ang situwasyon noong unang siglo. Sa halip, nang ito ay malapatan ng lunas, lalong lumaganap ang Salita ng Diyos at patuloy na dumami ang bilang ng mga mananampalataya. Ang lunas na inilapat ay ang pagpili ng pitong lalaki na puspos ng Banal na Espiritu at karunungan upang maipasa ng mga apostol ang responsibilidad ng pagpapakain at nang sa gayon ay matuunan ng pansin ang panalangin at ang ministeryo ng Salita ng Diyos.
Bilang isang ama at isang pastor, naisip ko, kung mahalaga para sa patuloy na paglago ng Iglesia ang pagbibigay tuon sa panalangin at Salita ng Diyos, gaano kahalaga kung magkagayon ang mga ito para sa kaligtasan at paglago ng aking mga anak? Tamang intindihin ang kanilang pangangailangan sa pagkain. Subalit ito ba ay sapat nang dahilan upang ipagpaliban ang kanilang pangangailangang espirituwal?
No comments:
Post a Comment